Ang dyamante o ginto
ay ang tinuturing na kayamanan ng marami, subalit may mga kayamang tila basura
ang tingin ng iba. Walang ipinagkaiba sa binhing pinalaki na ang pinandilig ay ga-dagat
na pawis at bundok ng sakripisyo. Subalit habang ang panahon ay nagdaraan,
habang ang mga palad ay kinakalyo sa paghawak ng kalaykay at asarol, maayos lang na
mapayabong ang alagang halaman ay tila baga nawawalang saysay. Ang kayamang
puno ay tumutubo na ni lilim ay walang maibigay sa nag-aalagang nahahapo, na ni
isang bunga ay di manlang makapagbigay sa nag-aalagang tila kandilang nauupod.
Kung maari nga lang sanang ang braso ay gilitan nang ang dugo ay umagos at
syang maipandilig sa punong inaaaring kayaman. Tubig na sanay iinumin ng tuyo’t
na labi ng tagapag-alaga ay pinili pang sa ugat ng puno ito ay isaboy, tinitiis
ang uhaw, binabalewala ang nakakapasong init ng araw. Ganyan kamahal ng taga
pag-alaga ang punong pilit nyang pinayayabong. Subalit ang lahat ng pagod at
hirap ay tila nawawalang halaga, susuko na ba ang tagapag-alaga o patuloy na
gagawa? Dapat na bang ang puno’y putulin o iwan at pabayaan na lamang? Sa
tingin ko ay hindi dapat… sapagkat ang puno’y kayaman…kayamanang si Bathala ang
nagbigay… sapagkat ang binhi ay sa laman din mismo ng tagapagalaga nagmula…
Anak, kayaman kita,
hinding-hindi kita pababayaan…


